INALMAHAN ng mga aplikante ang mabagal na proseso ng building permits sa Quezon City.
Partikular na inalmahan ng mga aplikante ang nababalam nilang mga papeles sa umano’y isang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) na hepe ng “One Stop Shop” processing ng lungsod kahit paulit-ulit na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat bilisan ang proseso ng mga permit sa tanggapan ng gobyerno upang maiwasan ang red tape.
Ayon sa ilang aplikante na tumangging magpabanggit ng kanilang pangalan ‘disapproved’ umano agad ang inilalagay na comment ng isang Inspector Argie Baniel sa mga plano ng bahay o building kahit na renovation lang, kapag nakarating na sa tanggapan ng BFP sa One Stop Shop.
Sa normal na proseso, unang i-evaluate at aaprobahan ng locational clearance ang aplikasyon kasund nito ay ipadadala sa BFP ang mga plano ng estruktura.
Pagkatapos sa BFP ay sasalang na ito building official upang maipagpatuloy ang proseso at mapayagan ang pagtatayo o pagkukumpuni ng isang bahay o building.
“Ang problema ipinagmamalaki nilang ‘One Stop Shop’ at mabilis ang proseso. Pero pagdating sa fire (BFP), disapproved agad ang aming aplikasyon,” ang pahayag ng isang aplikanteng ayaw magpabanggit ng pangalan sa takot na lalong magkaproblema ang kanyang aplikasyon.
Ayon sa reklamo ng mga aplikante, umaabot umano ng isa hanggang dalawang linggo ang pagkakabalam ng mga plano ng bahay o estruktura sa tanggapan ni Insp. Baniel.
Ayon sa ilang impormante, may sampung aplikasyon ang agad na disapproved kay Insp. Baniel.
Ito ay isang two-story residential house sa Batasan Hills; isa rin kaparehong aplikasyon sa Kingsville, sa Bagbag at Nagkaisang Nayon; isang three-storey na bahay sa Culiat at Tandang Sora; at tatlo pang two-storey na bahay sa Nagkaisang Nayon, Talayan Village at Barangay Pansol.
Idinulog na umano ang kanilang mga reklamo sa opisina nina Mayor Joy Belmonte at City Fire Marshal, S/Supt. Joe Fernan Bangyod, ngunit sa hindi pa malamang kadahilanan ay wala pang aksiyon kung bakit mabagal ang pag-aaproba ng building permit ng naturang opisyal.
Kaugnay nito, sinubukang hingin ng mga mamamahayag ang panig ni Insp. Baniel ngunit nangabigo sila.