DINAKIP sa lungsod ng Butuan ang isang brodkaster sa radyo sa lungsod ng Butuan, lalawigan ng Agusan del Norte, nitong Martes, 18 Agosto, dahil sa akusasyong paglabag sa cybercrime law.
Kinilala ng Butuan police ang suspek na si Ramil Bangues, station manager at anchor ng dxBC sa ilalim ng Radio Mindanao Network (RMN).
Si Bangues rin ang pangulo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) chapter sa lungsod ng Butuan at lalawigan ng Agusan del Sur.
Isinampa ang kaso ng isang dating information chief ng Caraga regional police office, na naunang iniulat sa radio station ng suspek na umano’y nagparetoke sa isang lokal na doktor na dinakip at sangkot umano sa ilegal na droga.
Nadakip si Bangues sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Judge Isah Echem-Tangonan ng Butuan Regional Trial Court Branch 33.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Bangues na “pure harassment” ang pagdakip sa kaniya.
Aniya, nag-ugat ang pagkakadakip sa kaniya mula sa reklamong isinampa ng isang P/Lt. Col. Christian Rafols, dating information officer ng Caraga regional police office.
Sa kanilang ulat kaugnay sa paghuli sa isang drug suspect na aesthetic surgeon, nabanggit si Rafols na isa sa kaniyang mga kilyente.
Ayon kay Bangues, nabanggit si Rafols sa kanilang programa dahil sa post ng doktor na sumailalim sa aesthetic surgery ang pulis sa kaniyang klinika.
Dagdag ni Bangues, hindi libelous ang kanilang ulat at hindi nasira ang reputasyon ni Rafols dahil dito, sa katunayan ay nabigyan pa ng promosyon bilang hepe ng Surigao City police.
Sa kasalukuyan, nilalakad na ng isang abogado ng RMN ang pagproseso sa piyansang P80,000 na itinakda ng korte.