PALAGAY ko naman ay hindi lang tayo ang gulong-gulong sa mga pronouncement, polisiya o patakaran, at pamantayan na inilalabas ng Inter-Agency Task for the Management of Infectious Diseases (IATF-MEID) ngayong nasa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Gaya nga ng sinasabi nila, sa ilalim ng GCQ ay pinayagan nang magbukas ang ilang negosyo para unti-unti nang umikot ang ‘nabinbin’ na ekonomiya ng bansa.
Pero hindi natin alam kung naiintindihan ba ng IATF ang mga pinagsasasabi nila sa publiko lalo na sa isyu ng public and mass transport.
Mukhang ang ‘demograpiya’ sa IATF ay isang pangkaraniwang ‘termino’ lamang pero hindi naikokonek sa kasalukuyang sitwasyon.
Kaya siguro hindi maipaliwanag sa publiko kung ano ang mga batayan ng enhanced community quarantine (ECQ), modified GCQ, at GCQ mismo.
Kitang-kita kung paano paglaruan ng mga ‘salitang’ basta na lang lumalabas sa bibig ng mga namumuno sa IATF ang ‘tunay’ na kalagayan ng maliliit na mamamayan.
Mantakin ninyong sabihin na puwede nang magtrabaho at magnegosyo pero wala namang public transport?
Mayroong mass transport (MRT & LRT) pero dahil nga sa health protocol na social/physical distancing e kakaunti lang ang naisasakay.
Ganoon din ang mga pinabibiyaheng bus, kaunti lang din ang naisasakay para sa pagsunod sa social/physical distancing.
Hindi pinayagang pumasada ang mga jeepney kasi na-prejudged na hindi maipatutupad ang physical distancing dahil sa mekanikal na estruktura nito. Magkakaharap daw kasi ang mga pasahero sa jeepney. Problema ba ‘yun? E ‘di huwag sila pagharapin, puwede naman ‘di ba?
Pero pinayagan ang ‘Libreng Sakay’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa six-by-six na truck na nagsisiksikan ang mga pasahero?!
Bawal daw ang magkaangkas na hind magkaano-ano sa motorsiklo at kung mag-asawa ay kailangang may mga dokumentong magpapatunay na mag-asawa sila.
O kaya raw, kabitan ng sidecar ang motorsiklo para maisakay si misis.
Hello?! ‘Naaano’ na kayo mam/ser?! Ano ba ang nangyayari? Nalilito na ba kayo?! Talaga bang may plano at direksiyon ang IATF kung paano ipapanalo ang laban kontra COVID-19 at kung paano ibabalik sa normal o sa ‘new normal’ na sinasabi ninyo ang sitwasyon ng bansa?!
Paano ba ninyo nasusukat ang mga hakbangin ninyo? May phases ba talaga ‘yang sinasabi ninyong ‘flattening of the curve’ o nakikipagkarerahan lang sa ibang bansa nang walang batayan kaya banderang kapos pa rin ang kinalalabasan.
Ma’m/Ser sa IATF, alam naming mabibigat ang trabaho, obligasyon, at responsibilidad ninyo, pero sabi nga ninyo kaya kayo ang inilagay diyan ‘e dahil magagaling kayong magbasa ng kalagayan — matatalas ang inyong mga ‘bird’s-eye view’ sabi ninyo — kaya dapat ‘malulupit’ (as in magaling) din ang foresights ninyo (pero mukhang sa anti-terror bill napunta ang mga lupit ninyo).
E patunayan ninyo ‘yan, Ma’m/Ser. Hinahamon na kayong mag-commute ni Senator Nancy Binay, para maintindihan ninyo kung saan nanggagaling ‘yung hinaing nga mga kababayan natin.
Kaya namin unawain ‘yung hindi ninyo kayang gawing perpekto ang pagtupad sa mga tungkulin, pero ang hirap intindihan kung bakit ‘illogical’ ang pronouncements ninyo kapag para sa kapakanan ng mas mga apektadong mamamayan na kinabibilangan ng mga manggagawa, ordinaryong empleyado, at mga kawani ng pamahalaan?
Patunayan n’yon naman mga mam/ser na magagaling kayo, kaya inilagay diyan. Ikonek n’yo naman sa bituka at sikmura ng maliliit nating mamamayan ang mga utak ninyo!
Please…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap