INARESTO ang tatlo katao, kabilang ang isang chief executive officer (CEO) matapos ireklamo ng isang businesswoman sa Caloocan City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Julieta Samen, 55 anyos, CEO ng Silcres International Trading (SIT), residente sa New York Mansion, Montreal St., Cubao, Quezon City; Marcelo Hapa, 40 anyos, marketing director ng SIT, residente sa Lipton 2 St., Philinvest 2, Batasan, sa nasabing lungsod; at isang Paul Christian Apilado.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 10:30 am noong 19 May 2020 nang magkita sa Corporate Office, Bank of the Philippine Island na matatagpuan sa kahabaan ng Rizal Ave., Ext., Barangay 91, Caloocan City ang biktimang si Cheryl Galang, 41 anyos, businesswoman, residente sa Buenaventura St., Pulong Bulo, Angeles City, Pampanga at ang suspek para bayaran ang kanyang inorder na 14,000 KN95 face mask ng halagang P3 milyon at inideposit sa account ng SIT ngunit ang naturang mga face mask ay hindi naibigay sa kanya.
Makalipas ang ilang oras, muling humingi si Samen kay Galang ng P1.2 milyon para sa karagdagang bayad ng face mask.
Ipinangako umano ng mga suspek sa biktima na sa loob ng isang oras ay maihatid na ang face mask ngunit, makalipas ang ilang oras ay walang dumating.
Dahil dito, nagpasya ang biktima na bawiin ang kanyang huling ibinayad saka humingi ng tulong kina P/Cpl. Reylord Llegado at P/Cpl. Ruben Luis Masalihit, kapwa nakatalaga sa Caloocan City Police na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek. (ROMMEL SALES)