NADAKIP ang tatlong suspek na ilegal na nagtitinggal (hoarding) ng isopropyl alcohol sa entrapment operation ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Kaingin, sa bayan ng San Rafael, kamakalawa, 22 Marso.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, acting provincial director ng Bulacan PNP, ang mga naarestong suspek na sina Marvin Verdillo, 27 anyos; Jose Rafael de Guzman, 36 anyos; at John Patrick Enriquez, 32 anyos.
Batay sa ulat ng Bulacan CIDG, dakong 2:10 pm noong Linggo, 22 Marso, nakipagtransaksiyon ang isang undercover na pulis at naka-order ng 73 piraso ng tig-isang litrong isopropyl alcohol kay Marvin Verdillo sa halagang P220 kada litro ng plastic container na may kabuuang P16,060 base sa presyong isinasaad nila online na higit na mataas sa suggested retail price ng DTI na P125 hanggang P130 kada litro lamang.
Nang magpositibo ang transaksiyon, agad nagkasa ng operasyon ang Bulacan CIDG na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong suspek at pagkakakompiska sa mga naturang gamit.
Inihahanda ng mga awtoridad ang mga kasong paglabag sa RA 7581 na inamyendahan ng RA 10623 (Price Act), paglabag sa RA 7394 (Consumer Act), at paglabag sa Section 7 RA 11332 (hoarding, profiteering, selling and refilling) na isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)