TODO-HIGPIT ngayon ang lokal na pamahalaan ng Montalban matapos ilatag ang 24-oras curfew sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine matapos na isang residente ang tamaan ng coronavirus 2019 (COVID-19).
Sa anunsiyo mula sa tanggapan ni Montalban Mayor Tom Hernandez, dalawang oras na lamang ang pamamalengke mula 6:00 hanggang 10:00 ng umaga at hindi maaaring lumagpas dito.
Inatasan na rin niya ang mga barangay na magbigay ng isang quarantine pass bawat pamilya upang magamit kung lalabas ng barangay o tahanan at edad 18 at 60 lamang ang maaaring magkaroon nito.
Maaaring magbukas ang mga sari-sari store mula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga maliban sa mga botika.
Aarestohin din ang mga residenteng maaabutan sa labas ng bahay.
Bawal ang alak at uminom sa loob at labas ng bahay sa ipinatutupad na 24-oras curfew.
Dagdag sa anunsiyo ng lokal na pamahalaan, hindi na maaaring kumain sa mga fast food at tanging take-out ang pahihintulutan.
Sa reaksiyon ng ilang mga residente, sang-ayon sila sa direktiba upang mapigilan ang kumakalat na coronavirus disease o COVID-19 ngunit hiling nila sa alkalde na hangga’t maaari ay gawing 24 oras ang house to house na pagbibigay ng food pack, alcohol at disinfectant sa lahat ng mamamayan sa naturang bayan.
Anila, tanging pagkain para sa lahat ng mamamayan ng Montalban ang lunas sa “stay at home” na tagubilin ng gobyerno dahil halos karamihan sa mga residente sa bara-barangay ay kapos na sa pagkain. (EDWIN MORENO)