INIREREKOMENDA ni Governor Daniel Fernando ng Bulacan na magkaroon ng Provincial Quarantine Facility sa Bulacan para sa persons under monitoring (PUM) o mga taong may history of travel o history of exposure ngunit hindi kinakikitaan ng sintomas bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Aniya, ang pasilidad ay isang paraan upang maiwasan ang exposure sa COVID-19 sa kanilang mga kapamilya na magkakaroon din ng mga nakatalagang health workers para eksklusibong tingnan at magbantay sa mga PUM.
May itatalagang sasakyan na susundo at maghahatid sa kanila patungo sa quarantine area.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng paglayo o social distancing at ang wasto at madalas na paghuhugas ng kamay.
Bukod dito, umapela rin ang gobernador sa publiko na tigilan ang pagkakalat ng maling impormasyon o fake news at intindihin din ang ikabubuti ng iba.
Inulit din niya na kumuha ng impormasyon sa mga opisyal na Facebook account ng Provincial Government of Bulacan, Bulacan Provincial Health Office, at opisyal na Facebook at Twitter accounts ng Department of Health na OfficalDOHgov at sa opisyal nitong website na doh.gov.ph.
Sa tala ng Provincial Health Office-Public Health, hanggang 14 Marso, 4:00 pm, umakyat sa 20 ang PUI sa Bulacan habang patuloy na hinihintay ang resulta ng laboratory test na magmumula sa RITM.
Nananatiling isa ang kompirmadong kaso ng COVID-19 na mula sa San Jose Del Monte City at ito ay kasalukuyang naka-admit sa isang ospital sa Metro Manila.
(MICKA BAUTISTA)