PINASALAMATAN ng Malacañang ang mga mambabatas sa pagbibigay ng go signal sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapalawig pa nang isang taon ang martial law sa Mindanao.
Sa kalatas ni Presidential spokesman Salvador Panelo, sinabi niyang makaaasa ang publiko nang malaking progreso upang masugpo ang nagpapatuloy na rebelyon at patuloy na maitaguyod ang pangkalahatang seguridad sa rehiyon.
Tiniyak ng Malacañang, isang taon pang lalawig ang batas militar sa Mindanao upang maprotektahan ang karapatang pantao ng mga mamamayan.
Bukod dito, siniguro rin ng Palasyo na tatalima ang mga uniformed service men sa kanilang mandatong bigyan ng proteksiyon ang taong bayan.
Ito’y sa harap ng layunin ng martial law na pinalawig para sa kapakanan ng mga taga-Mindanao.
(ROSE NOVENARIO)