INAASAHAN na aaprobahan sa pinal at huling pagbasa ng Kamara ang Charter Change na mag-aamyenda sa 1987 Constitution ngayong araw.
Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 15, o ang draft federal charter ay pinagbotohan taliwas sa mga paratang na ito’y ini-railroad.
“Because it passed on second reading, three days after the copy is circulated, we should be taking it up on third reading hopefully that would be Monday,” ayon kay Arroyo.
Ang panukala ay magtatanggal sa “term limit” ng mga halal na opisyal.
“It was part of the democratic process, there was a debate, it was voted on,” ani Arroyo.
Ang layunin ng RBH No. 15 ay magbuo ng presidential-bicameral-federal system ng gobyerno at binigyan ang Kongreso ng kapangyarihan na magbagong anyo bilang Constituent Assembly para buuin ang federal states.
Pero ayon kay Arroyo hindi na magagawa ang Cha-Cha sa loob ng kanyang termino bilang speaker. Nakapaloob sa resolution ang probisyon na ang presidente at bise president ay ihahalal ng apat na taon at maaaring tumakbo ulit sa susunod na eleksiyon.
Para sa mga miyembro ng kongreso, ang kandidato ay dapat nakatapos ng kolehiyo. Apat na taon rin ang termino ng bawat isa.
Nakasaad sa panukala ng unang eleksiyon sa ganitong sistema ay gagawin sa May 2022.
(GERRY BALDO)