PAPALITAN ni Christian Standhardinger si Stanley Pringle bilang naturalized player ng Gilas sa pakikipagharap nito kontra sa dayong Iran ngayon sa pagpapatuloy ng fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena.
Ito ay ayon sa bagong 12-man roster na inilabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kahapon.
Makakasama ni Standhardinger sina Jayson Castro, Troy Rosario at Arwind Santos bilang bagong manlalaro sa Gilas line-up matapos hindi sumalang kontra Kazakhstan noong nakaraang Biyernes.
Ito ang pagbabalik nina Castro at Rosario sa pambansang koponan matapos ang tatlong larong suspensiyon mula sa FIBA habang si Santos naman ay maglalaro sa Gilas sa kauna-unahang pagkakataon simula 2009.
Bahagi rin ng final 12 roster ni head coach Yeng Guiao ang mga natirang manlalaro mula sa laban kontra sa Kazakhstan na sina Japeth Aguilar, Beau Belga, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, LA Tenorio, Scottie Thompson at Matthew Wright.
Ilan sa kilalang manlalaro na natanggal sa line up ngayon ay sina Pringle, Greg Slaughter, JP Erram at Alex Cabagnot.
Umaasa si Guiao na ang bagong koponan ay sapat upang makabawi sila mula sa masaklap na 88-92 silat na kabiguan kontra sa Kazakhstan noong nakaraang Biyenes at mapanatiling buhay ang tsansa nito sa prestihiyosong World Cup na sa China sa susunod na taon.
Bunsod kasi ng kritikal na kabiguan, bumaba na ngayon sa ikatlo hanggang ikaapat na puwesto ang Gilas katabla ang Japan hawak ang 5-4 baraha. Ang Iran naman ay bahagyang nasa unahan sa ikalawang puwesto tangan ang 6-3 kartada.
Tatlong koponan mula sa Group F ang papasok sa World Cup kaya’t kinakailangan ng Gilas ang mahalagang panalo upang mapatatag ang kapit sa tersera papasok sa huling window ng Asian Qualifiers sa Pebrero.
Inaasahang hindi magiging madali ang hangarin ng Gilas dahil siguradong gutom ang Iran na makabawi din mula sa masaklap na 47-76 kabiguan kontra Australia noong nakaraang Biyernes.
Sa kabutihang palad, posibleng magkulang ng kargada ang Iran dahil hindi nakapaglaro kontra Australia ang mga pambato nitong sina Arsalan Kazemi at Hammed Haddadi.
John Bryan Ulanday