NANAWAGAN sina Gabriela Rep. Arlene Brosas at Emmi de Jesus kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na gumawa ng paraan para sa agarang paglaya nina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Rep. France Castro.
Sina Castro, Ocampo at 72 pang iba ay hinuli ng mga pulis sa Talaingod, Davao del Norte. Sina Castro, Satur, at ang iba pang mga indibiduwal ay dumalo sa isang “solidarity mission” para suportahan ang mga estudyante ng Lumad school na isinara ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang convoy ng solidarity mission ay hinarang at pinagbabato ng hinihinalang mga miyembro ng paramilitary group na Alamara. Pinako aniya ang mga gulong at pinagbabasag ang mga salamin ng sasakyan nina Castro at Ocampo.
Sinabi ni Tinio, imbes habulin ang mga umatake kina Castro at Ocampo, sila ang dinala sa estasyon ng pulisya at inihahanda ang kasong human trafficking at child abuse.
Kaugnay nito, hinamon nina Brosas at De Jesus si Arroyo na tumayo para sa karapatan ng mga miyembro ng Kamara na umiikot sa mga lugar na kailangan sila.
“Speaker Arroyo should tell the police and military to respect the rule of law, and the rights of legislators and the public, especially in martial law-infested Mindanao,” ani Brosas at De Jesus.
(GERRY BALDO)