MAGPAPALITAN bilang naturalized player sina Stanley Pringle at Christian Standhardinger sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Kazakhstan at Iran para sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers simula bukas sa Mall of Asia Arena.
Ito ang inihayag ni head coach Yeng Guiao kahapon matapos ang huling ensayo ng Gilas sa Meralco Gym sa Pasig City.
“More or less, si Stanley sa Kazakhstan, si Christian naman sa Iran,” ani Guiao.
Ayon kay Guiao, swak si Pringle sa guard-heavy Kazakhstan habang mas kakailanganin naman ng pambansang koponan ang laki ng 6’8 Filipino-German na si Standhardinger.
Ang iba pang 11 manlalaro na kokompleto sa koponan ng Gilas ay nakatakdang ianunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ngayong gabi habang isinusulat ang ulat na ito.
Samantala, binigyan ng send-off ng SBP sa pangunguna ni President Al Panlilio at Philippine Basketball Association (PBA) sa pamumuno ni Commissioner Willie Marcial ang Gilas bago ang laban bukas.
Dinaluhan ng mga Olympians at PBA greats ang naturang send-off tulad nina Hechanova, Antonio Genato, Manny Paner, Marte Samson, Ed Roque, Arturo Valenzona at Jimmy Mariano gayondin nina PBA legends Robert Jaworski Sr., at Chito Loyzaga.
Nasa pagtitipon ang PBA executives na sina Robert Non ng San Miguel, Al Francis Chua ng San Miguel at Dickie Bachmann ng Alaska. (JBU)