UMAPELA kahapon ang ilang residente ng Iloilo City kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa Senado, at sa House of Representatives na ang boses ng mga consumer ang pakinggan at tuluyan nang ibasura ang apela ng Panay Electric Company (PECO) para sa kanilang legislative franchise renewal.
Sigaw ng mga residente, kung hindi pa sapat ang mga inilahad nilang reklamo laban sa PECO sa Energy Regulatory Commission (ERC) ay handa silang makipag-dialogo sa mga mambabatas at kay Pangulong Duterte upang personal nilang maiparating ang kanilang reklamo kung ito ang makatutulong para tuluyan nang ibasura ng Kamara ang legislative franchise renewal application ng PECO.
Ang prankisa ng PECO ay magtatapos sa 18 Enero 2019 at ang aplikasyon nito para sa renewal ay nanatiling nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchises.
Sinabi ng isang residente na si Hazel Fernandez, isang Ship Captain at residente ng Jaro, Iloilo City, saksi siya sa palpak na serbisyo ng PECO, sa katunayan, limang buwan siyang nagpabalik-balik bago naaksiyonan ang inirereklamo niyang overcharging na aabot mula P4,000 pataas kada buwan.
“Kada buwan tumataas ang billing namin dahil mali ang meter reading ng PECO na kahit Grade 1 ay kayang gawin, kaya ang ginagawa naming mga residente, kami ang kumukuha ng retrato sa cellphone ng reading namin at ipinapakita sa PECO, ‘di ba ang hassle,” paliwanag ni Fernandez.
Kalaunan, nabisto rin ng mga residente na walang meter reader ang PECO at ang paniningil ay ibinabase lamang sa kanilang sariling kalkulasyon.
Karaniwan din umanong tumatagal ang reklamo ng mga consumers na hindi naaaksiyonan dahil walang sariling complaint desk ang PECO.
Para sa retired Iloilo teacher na si Mildred Jaromahum ng Barangay Sinikway, Iloilo City, katakot-takot na stress at hindi pagkakatulog ang sinapit niya dahil sa palpak na serbisyo ng PECO.
Aniya, P3,000 kada buwan ang kanyang bill sa koryente ngunit noong 2017 ay umabot ito ng P114,375 at ang nais ng PECO ay bayaran niya ito nang instalment.
Kaugnay nito umapela rin ang mga residente kay Pangulong Duterte na magpadala ng kanyang kinatawan sa Iloilo City o opisyal mula sa ERC upang marinig ang kanilang mga reklamo.
“Mahal na Pangulo, sana po ay wakasan n’yo na ang aming pagtitiis sa PECO at huwag nang dugtungan pa, hindi po kami magsasama-sama para magreklamo kung walang basehan at nais po naming ipaabot na sawang-sawa na kami sa kapalpakan at naghahangad kami nang maayos na serbisyo na tama sa aming ibinabayad, dagdag ni Hernandez.
Sa isang panayam ng Aksyon Radyo Iloilo kay Sen Grace Poe inamin niya na ang concern ng mga residente ang kanilang prayoridad sa PECO issue.
“we’ve had already a few hearings at marami ang nagreklamo na ang PECO daw ay hindi nagbibigay nang maayos na serbisyo at hindi nag-improve ng kanilang assets, ng distribution kaya maraming brownout, minsan masyadong mataas ang singil na hindi naman dapat,” pahayag ni Poe.
Binigyang katiyakan ni Poe na hindi nila titigilan ang nasabing isyu hanggang hindi makatitiyak ng magandang serbisyo ng elektrisidad sa Iloilo.
HATAW News Team