Si dating Pangulong Benigno Aquino III at isang mataas ng opisyal ny Department of Health ang balak panagutin ng Kamara sa muling pagbubukas ng pagsisiyasat sa isyu ng Dengvaxia.
Ayon sa pinuno ng House Committee on Good Government kulang ang isinumiteng committee report ng nakaraang pamunuan ng komite kaya bubuksan niya itong muli.
Ayon kay Rep. Xjay Romualdo, wala sa report ‘yung bahagi ni Aquino at ‘yung nagmungkahing magbigay na lamang ng vaccine ang DoH dahil may natitira pang pondo.
“Ang ginawa ko naman, ini-review ko ang documents at ang mga nangyari sa previous hearings. Parang nakita ko na may kulang na information,” ani Romualdo sa isang panayam sa radyo.
“Kailangan kong magtanong ng ilang questions to some resource persons para mabuo kung ano talaga ‘yong kuwento, kung ano talaga ang nangyari. Kung saan nag-umpisa ang ideya na bumili ng dengvaxia, mag- implement nang ganitong program and ano ang nangyari in the course of the implementation bakit nagkaganon,” dagdag ni Romualdo.
Nakatakda sa 20 at 21 Nobyembre ang pagdinig kasama ang House Committee on Health.
Gusto, aniyang, i-trace ang ideya kung sino talaga ang nag-suggest na bumili tayo ng dengvaxia, may isang office sa DOH na roon talaga nanggaling ‘yong idea.
Ani Romualdo, pansin din niya na nag-start gumalaw ang program pagkatapos ng miting ni President Aquino at ng mga opisyal ng Sanofi sa France. (GERRY BALDO)