IMINUNGKAHI ng isang kongresista sa Isabela na magkaroon ng engineering brigades ng Armed Forces of the Philippines sa bawat rehiyon ng bansa upang agarang makaresponde ang gobyerno sa mga sakuna.
Ayon kay Isabela Rep. Rodito Albano ang mga engineer ng Armed Forces ang dapat mangunang magresponde sa mga sakuna kagaya nitong nakaraang pananalanta ng bagyong Rosita na nagdulot ng malaking pinsala sa Norte kasama ang Isabela.
Ayon kay Albano ang engineering brigades ay makatutulong din sa rehabilitasyon ng mga bayang apektado ng bagyo at iba pang pinsala.
Umapela si Albano sa AFP at sa Department of National Defence na ayusin ang mga kagamitan ng engineering brigades para makapagresponde agad sa mga sakuna.
Matatandaan, ani Albano, ang relief goods ay kadalasang naaantala dahil hindi madaanan ang mga kalsada.
“There should be at least one military engineering brigade in every region that is fully equipped and ready for disaster response mission,” ani Albano.
Sa ngayon aniya, lima lamang ang engineering brigade ng AFP na kailangang dagdagan at i-modernize.
“The AFP modernization program should include the procurement of new equipment for its engineering units. The military should be prepared not only for internal and external defense but for civil defense as well,” giit ni Albano.
Puwede, aniya, humingi ng tulong ang AFP sa Estados Unidos, Japan, Australia at iba pang kaalyado para ayusin ang engineering brigade.
“Sa bawat bagyo na dumaan sa bansa nagkakaproblema tayo sa distribution at delivery ng pagkain, gamot at tubig dahil hindi madaanan ang mga kalsada,” ani Albano.
“Kung may engineering brigade sa bawat rehiyon, maiiwasan ang ganitong problema,” dagdag ni Albano.
ni Gerry Baldo