MAS ligtas at maayos na evacuation centers para sa mga biktima ng kalamidad.
Ito ang isa sa nakapaloob sa legislative agenda ni dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go kapag pinalad sa kanyang pagsabak sa 2019 senatorial polls.
“Panahon na po para magpatayo ng safe na evacuation centers na may kompletong pasilidad — may CR, may higaan, para komportable naman sila habang hinihintay maayos ang kanilang bahay,” ani Go sa pagbisita sa mga nasunugan sa Quiapo, Maynila kamakailan.
Ang pagtatayo aniya ng ligtas na evacuation centers ay mainam na paghahanda sa anomang aksidente o kalamidad na darating sa isang lugar.
Bukod sa Quiapo ay binisita rin ni Go ang mga nasunugan sa Cagayan de Oro City at Makilala, North Cotabato at namigay ng relief goods sa mga biktima.
Mamamahagi rin siya ng mga uniporme para sa mga mag-aaral at mga manggagawa.
Tiniyak niya na ipararating sa National Housing Authority (NHA) ang kahilingan ng mga nasunugan na mabigyan ng pabahay at ang mga nais magbalik probinsiya ay bibigyan ng pasahe.
Hinikayat niya ang mga nais magpagamot na pumunta sa pinakamalapit na Malasakit Center upang matulungan ng mga ahensiya ng gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)