NAGTAGUMPAY si Yam Laranas para takutin ang kanyang manonood sa pelikulang handog ng Viva Films at Aliud Entertainment, ang All Souls Night na mapapanood na simula ngayon, October 31.
Isa kami sa nakapanood ng pelikulang pinagbibidahan nina Andi Eigenmann, Yayo Aguila, at Allan Paule sa premiere night nito noong Lunes ng gabi sa SM Megamall at napasigaw at napagod kami dahil sa katitili at paghihintay ng solusyon kung paano ba matatalo ni Andi ang kasamaan ni Allan na pinasok ang katawan ng demonyo.
Effective palang manakot si Direk Laranas na tamang-tama sa panahong ito. Kaya kung hanap ninyo’y katatakutang pelikula, sugod na sa mga sinehan ngayong araw at panoorin ito.
Sa All Souls Night, magaling na naipakita ni Allan ang sobrang kaitiman ng budhi niya nang ikulong sa isang lumang bahay sina Yayo at anak nito gayundin ang namasukang katulong si Andi. Roo’y sunod-sunuran ang tatlo kay Allan na kahit pinagtangkaan na siyang patayin ay hindi mamatay-matay.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio