ISANG artikulo ang aming nadaanan ukol sa ginawang ‘panghaharbat,’ ‘pangho-holdap’ (ito ang itinawag niya sa ginawa niya) ni Ogie Diaz sa isang sikat na personalidad. Ang tinutukoy niya ay si Kris Aquino.
Ang artikulong iyon ay isinulat ni Jerry Olea ukol sa isinagawang pagdiriwang ng Kasuso Foundation sa pamumuno ni Ogie.
Aniya, isang balita ang ipinarating ni Ogie sa mga may breast cancer patients and survivors noong Oktubre 20 na isinagawa sa East Avenue Medical Center—ang pagbibigay ng P100K ni Kris bagamat mayroon iyong pinagdaraanan.
Sa pagbabalita ni Olea, sinabi ni Ogie kung paano niya ‘hinoldap’ ang tinaguriang Queen of Online World and Social Media.
Ayon sa post, “Nanghoholdap ako ng mga kaibigan para sa inyong lahat!
“Syempre, gusto kong pasalamatan… hindi magiging posible ang pagtuntong ko rito, Diyos ko, kung hindi ko naharbatan, kung hindi ko naholdap…
“Alam n’yo ba, merong isang nag-ano sa atin. Ito, blind item, ha? Merong isang artista. Tinext ko siya. Sabi ko, ‘Mare, baka pwede ka namang mag-ano, um-appear o mag-donate.’ Ganyan-ganyan.
“Sabi niya, ‘Pare, meron akong importanteng lakad sa araw na ‘yan. Pero magpe-pledge ako ng ONE HUNDRED THOUSAND PESOS!”
“Tapos, biglang may mga isyu na lumabas! Concerning her health. Oo, meron siyang sakit. Ganyan. May dinaramdam. At syempre, meron din siyang mga kaso sa kanyang mga business partner. Di ba?
“Nahiya ako. Sabi ko, nakakahiya naman. Kaya tinext ko siya uli. Sabi ko, ‘Mare, nakakahiya naman. Diyos ko! Hinaharbatan kita eh meron ka rin palang sariling problema.’
Masayang pagbabalita pa ni Ogie, hindi napigilan si Kris para mag-share ng blessings kahit may kinakaharap itong problema.
Giit ni Kris, pagagalitan siya ng kanyang inang si dating Pangulong Cory Aquino kapag hindi siya tumulong sa mga may kanser. “Alam n’yo kung ano ang sagot niya? ‘Pare, walang problema. Ako ang pagagalitan ng mommy ko pag hindi ako tumulong sa may kanser.’”
Kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat ni Ogie gayundin ng mga mabibiyayaan ng tulong ni Kris.
Binigyan din nila ng masigabong palakpakan si Kris bilang senyales ng pasasalamat. (MVN)