IGIGIIT ng Dangerus Drugs Board (DDB) kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan maispubliko ang listahan ng mga politiko o mga kandidato na sangkot sa ilegal na droga para maging gabay ng mga botante sa pagpili ng mga iluluklok sa puwesto sa 2019 midterm elections.
Ito ang pahayag kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ang posisyon aniya ng DDB, may karapatan ang mga botante na mabatid ang pagkatao ng mga kandidato na pipiliin nilang maging kinatawan nila si Kongreso o magiging pinuno sa kanilang lugar.
Giit ni Panelo, ang narco-lists na inihanda ng mga awtoridad kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay hindi imbento kundi batay sa intelligence reports na isinailalim sa serye ng komprehensibong pagtasa.
Makaaasa aniya ang publiko na ang narco-lists ay may kredibilidad at hindi propaganda lamang para siraan ang mga kandidato.
Wala pa aniyang desisyon si Pangulong Duterte kung babasbasan ang paglabas ng narco-lists.
(ROSE NOVENARIO)