BAGAMA’T hindi natuloy ang plano ng rebeldeng komunista na patalsikin ang gobyerno ngayong buwan, patuloy pa rin ang planong destabilisasyon na maaaring ipatupad sa Disyembre, ayon sa military nitong Lunes.
Nauna rito, sinabi ng defense officials, nakikipagsabwatan ang mga komunista sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapatalsik ang punong ehekutibo sa pagkilos na tinaguriang “Red October.”
Napigilan ng mga awtoridad ang plano sa pamamagitan ng pagbubunyag nito sa media at binalaan ang oposisyon sa posibleng paglahok, ayon kay military spokesperson Brig. Gen. Edgardo Arevalo.
Gayonman, ipagpapatuloy ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang kanilang planong destabilisasyon bilang paggunita sa kanilang founding anniversaryo sa Disyembre.
“Ang tinatawag po natin d’yan ay rolling plan. Gusto nilang maging grandioso ang pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo ngayong Disyembre,” ayon kay Arevalo.
“Sumablay man po ang kanilang tinatawag na Red October plan, hindi po ibig sabihin nito ay puwede na tayong mag-relax, put our guard down,” dagdag niya.
Aniya, ang military ay pananatilihin ang intelligence at combat operation laban sa mga rebeldeng komunista.
Makikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa mga unibersidad upang tiyakin na hindi magamit ng mga rebelde bilang recruitment grounds para sa mga estudyante, ayon kay Arevalo.
Magugunitang itinanggi ng CPP ang Red October plot, na inihalintulad sa Maoist rebellion noong 1972, na ginamit ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na basehan sa pagdedeklara ng martial rule.