UMANI ng batikos at matinding kritisismo mula sa concerned citizens at netizens ang isang representante ng isang party-list dahil sa nabuking na ‘gluta session’ sa mismong opisina niya sa Batasang Pambansa.
Sa isang pormal na reklamo na inihain sa House Ethics Committee ng grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment o PAGE, sinabi nito na ang Gluta session na ginawa sa mismong opisina ni Mata Party-list Representative Trisha Nicole Catera sa Batasan ay “kilos na hindi kanais-nais at paglapastangan sa kanyang mandato bilang representante.”
Ayon kay Bency Ellorin, chairperson ng PAGE, nakahihiya itong gawain na pinahintulutan ni Catera sa kanyang opisina, at inilathala at ipinagmalaki pa sa kanyang social media accounts.
Nasa session ang Kongreso pero ‘gluta session’ ang ginagawa ni Catera imbes pinagtuunan ng pansin ang kanilang gawain.
Nangangamba rin ang PAGE dahil ang mga ‘gluta session’ ay mga medical practice na dapat ay nasa tamang lugar at may kaakibat na superbisyon mula sa mga lisensiyadong medical practitioners.
Isinaad ni Ellorin na dapat siyasatin nang husto ng ethics committee ang aktibidad ni Catera na sa kanilang pakiwari ay “unauthorized use of government properties that are unrelated to official functions.”
Dahil sa paglathala ni Catera sa Facebook account niya ng sinasabing ‘gluta sessions,’ maraming netizens ang nagalit at naghayag ng kanilang damdamin na ang ganitong mga gawain ang nagtutulak sa kanila para hingin na ang pagbuwag sa party-list system.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang opisina ni Catera at hinihintay muna ang magiging hakbang o abiso sa kanila ng Ethics Committee.
Ang ‘gluta sessions’ ay isang proseso sa cosmetic medicines na nagpapaputi ng balat ng isang tao.
HATAW News Team