INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang labis na pagkasihapyo dahil hindi niya kayang tuldukan ang korupsiyon sa pamahalaan taliwas sa ipinangako niya noong 2016 presidential elections.
Sa kanyang talumpati sa Government Workers Awarding ceremony kahapon, sinabi ng Pangulo na pagod na siya, gusto na lang niyang umuwi sa Davao City dahil kahit anong pagsusumikap niya’y patuloy pa rin ang katiwalian.
“Kasi hindi ko talaga kaya ang corruption. Maski anuhin ko. It begins with something like an inaugural thing, the breaking of the ground or the cutting of whatever. It’s given the widest publicity. Three months after, nandoon na sa Ombudsman and then sa Sandigan,” anang Pangulo.
Kaya nang umusbong aniya ang ulat na may ilang grupong nagbabalak na patalsikin siya sa puwesto, naisip niya na hindi na kailangan gawin ito at siya na mismo’y gusto nang lisanin ang poder.
“Sabi ko, the irony of it all is you want to kick me out, naghahanap lang ako ng rason really I’m going home, I’m tired. ‘Yan ang totoo diyan,” aniya.
Kahit saan aniya ay may korupsiyon, mapa-local man o sa national government.
“It seems that, ang transaksiyon nang lahat sa gobyerno meron talaga. Maski saan ka magtingin meron. And all — dito sa national pati sa local,” dagdag niya.
Binigyan diin ng Pangulo, mananatili sa kasalukuyang situwas-yon ang pamamahala sa Filipinas hangga’t hindi natutuldukan ang korupsiyon kahit umiral ang law and order sa bansa.
“And I will just like to lay the two predicates, unless we stop corruption and unless there is law and order in the Philippines, I am sad to say to you, we will never rise from our present level of governance,” aniya.
ni ROSE NOVENARIO