PAGLABAN sa pagtaas ng presyo ng bilihin ang prayoridad ng Palasyo kaya isinantabi muna ang ibang isinusulong na adbokasiya gaya ng federalismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kinikilala ng administrasyon na pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ay bigyan solusyon ang paglobo ng inflation kaysa federalismo.
“Well, of course, right now, the foremost priority of the administration is fighting inflation. So everything is sidelined now,” sabi ni Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon. Hindi aniya inaasahan ng administrasyon ang pagtaas bigla ng presyo ng krudo na naging sanhi ng inflation.
“Dahil hindi naman natin inaasahan talaga iyong pagtaas bigla ng presyo ng krudo at ng petrolyo. So, I would say that even the administration acknowledges na mas importanteng harapin iyong problema na malapit sa sikmura ng taong bayan, bagaman hindi po natin inaabandona ang federalismo,” dagdag ni Roque.
Aminado si Roque na marami pang diskusyon at pag-aaral ang dapat gawin at kailangang ipabatid sa publiko ang kabutihan ng federalismo.
Nauunawaan aniya ng administrasyon na ang deliberasyon sa 2019 budget ang inaatupag sa kasalukuyan ng Kongreso. (ROSE NOVENARIO)