PAGSISIMULA pa lamang ng taping ng Bottomline, ang talk show ng king of talk na si Boy Abunda, sinalubong na sila ng isang malakas na palakpakan mula sa isang live audience.
“Sa totoo lang, ngayon lang ako nakarinig ng palakpakan dito sa ‘Bottomline,’ salamat sa inyong lahat. Salamat din Ate Vi,” sabi ni Boy sa kanyang guest noong araw na iyon, si Congresswoman Vilma Santos. Pero matagal pa bago ninyo mapanood iyan sa TV, itatama kasi nila iyan sa birthday ni Ate Vi sa November 3.
Binuksan ni Boy ang isa sa pinakamainit na topic nitong mga nakaraang araw, iyong “political turn coatism”. Isa kasi si Ate Vi sa pinatatamaan ng ibang mga politiko na “political butterflies” umano dahil sa ginawa niyang paglipat ng partido politikal. Pagkatapos ng taping, itinuloy namin ang usapan tungkol doon.
“Sabihin na nila kung ano ang gusto nilang sabihin, pero in the end hindi naman pinag-uusapan kung ano ang partido namin eh kundi kung ano ang nagagawa namin para sa nasasakupan namin. In the end, hindi naman kami tatanungin ng mga kababayan namin kung anong partido nga ba ang sinalihan namin kundi kung ano ang nagawa namin para sa kanila.
“Kaya nga sa amin, kung ano ang makatutulong para maibigay namin sa nasasakupan namin ang mas magandang serbisyo, natural doon kami sasama. Hindi pinag-uusapan kung sino ang kaibigan namin o mga nakasama namin, kundi iyong commitment namin sa bayan. Mas mahalaga iyon kaysa partido.
“Noong magdesisyon ako, ang nasa isip ko iyong sinabi ni dating Presidente Manuel Quezon, na natanim sa isip ko kahit na noong nag-aaral pa lang ako. Sabi nga niya, ‘my loyalty to my party ends when my loyalty to the country begins’. Hindi naman tayo makakapagserbisyo sa bayan based on political ideology, kundi kung ano ang serbisyong kaya nating ibigay.
“Ngayon may itinayo kaming local party, iyong One Batangas. Gusto kasi namin magkaisa na ang buong Batangas. Ang naging receptive sa aming national political party at nangako ng suporta iyong Nacionalista, kaya roon kami sumamang lahat,” sabi ni Ate Vi.
Ano ang magiging pagbabago niyon sa kanyang panunungkulan?
“Wala, alam naman kasi nila kahit na kasama ako sa partido, hindi ibig sabihin niyon susunod ako sa dikta ng partido. Noong una, hindi ba kasali ako roon sa super majority sa house. Kinausap kami na kailangan lahat kami bumoto pabor sa death penalty. Nakipag-meeting ako sa mga tao sa Lipa, karamihan ayaw, at saka ako talaga namang pro-life ako. Hindi ba kahit naman noong araw kasama ako sa Liberal pero nilabanan ko iyong birth control.
“Nag-warning si Speaker Alvarez, ‘kung hindi kayo papabor aalisan kayo ng committee, mawawalan kayo ng budget.’ Bumoto pa rin ako against death penalty. Inalisan ako ng committee chairmanship, clipped ang budget ko, ok lang. Pero pinaninidigan ko kung ano ang inaakala kong tama. After all, hindi naman para sa sarili ko kaya ako nandiyan eh. Kung sarili ko lang, eh ‘di nag-artista na lang ako, enjoy pa ako, mas malaki pang ‘di hamak ang kikitain ko. Kung iisipin ninyo, ilang taon na, mas malaki ang income tax ni Luis kaysa akin. Mas malaki na ang kita niya eh.
“Iyang sinasabi nila na political butterflies, sabihin na nila lahat ng gusto nilang sabihin pero hindi ako kasama roon sa mga tuta ng partido na lahat gagawin para sa politika. Sa akin, bayan ang una,”patapos na pahayag ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon