NAKAHANDA si Presidential Spokesman Harry Roque na tambakan ng kaso si dating National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino para mabulok siya sa kulungan.
Inihayag ni Roque, hindi lang kasong technical malversation kundi graft and corruption ang nais niyang ihaing asunto kay Aquino dahil sa idinulot na pinsala sa publiko maging sa gobyerno.
Paliwanag ni Roque, hindi ginastos ni Aquino ang pondo ng NFA para bilhin ang mga palay mula sa lokal na magsasaka na magagamit sanang buffer stock kaya’t ang resulta, heto ngayon tayo at nag-iimporta ng bigas sa ibang bansa at nagba-bayad sa mga dayuhang magsasaka.
“At hindi lang for technical malversation, pa-file-an (hahainan) ko rin siya ng graft. Because causing injury to the public and to the government is also a graft,” ani Roque.
“So hindi lang ho technical malversation ang isasampa ko sa kaniya kung walang ibang magsasampa, graft and corruption din po. To set the record straight, mas marami pa po akong isasampa. At saka maliit lang po ang parusa sa technical malversation. Gusto ko iyong matagal ang kulong,” dagdag ni Roque.
Bukod dito, ayon kay Roque, ang ginawang delay ni Aquino sa pag-angkat mula sa ibang bansa kahit may go signal na ang council.
Noong nakalipas na linggo’y tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Aquino at itinalagang kapalit niya si Army chief, Maj. Gen. Rolando Bautista na nakatakdang magretiro sa 15 Oktubre.
ni ROSE NOVENARIO