HIGIT na aktibong kampanya laban sa ilegal na droga at pagbabalik sa mas malawak na libreng ‘from womb to tomb’ services sa Maynila.
Ilan lamang ito sa mga binanggit ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim na maaasahan ng mga residente kapag siya ay nakabalik sa lungsod bilang alkalde.
Sinabi ito ni Lim sa sidelines ng mass oath-taking ng mahigit 5,000 miyembro ng kanyang KKK (Kapayapaan, Kaunlaran at Katarungan) party sa harap nina PDP-Laban national president at dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, at kanya rin pinasalamatan ang kanyang mga tagasuporta na dumalo sa pagtitipon, kabilang sina Bureau of Corrections chief Ronaldo ‘Bato’ dela Rosa, Local Governments Undersecretary Martin Diño, Makati City Rep. Monsour del Rosario (1stDistrict), PDP – Laban Manila Council President Penelope Belmonte, na nakaupo rin bilang executive director ng National Parks Development Committee, PDP-Laban Manila vice president for NCR Engr. Salvador Ty, Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu (2nd District), at PDP-Laban public information officer Ron Munsayac.
Sa panayam, nanawagan din si Lim sa kanyang mga tagasuporta na gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na tulungang maging matagumpay ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa pagkakaroon ng katulad na abokasiya tulad ng clean governance, kapwa nagpahayag ng kompiyansa sina Lim at Pimentel na nagkakaisa ang KKK at PDP-Laban sa pagnanais na ipagkaloob ang lahat ng libreng serbisyo hangga’t maaari, sa mga residente ng Maynila. Si Lim ay kinilala sa pagpapatayo ng anim city hospitals sa bawat distrito ng Maynila, ang lahat ay nagkakaloob ng libreng serbisyo, at pagtatatag ng libreng college education nang kanyang ipatayo ang City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila).
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ni Lim ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga at korupsiyon.
“Sa halip na bumatikos, gumawa tayo ng maliliit na hakbangin para makatulong. Ating alalahanin, na iisa lang ang ating bansa at ang pagtatagumpay ng namumuno sa ating bansa ay tagumpay nating lahat.
Anomang maging kabiguan ng administrasyong ito ay kabiguan na tayo ring mga Filipino ang siyang babalikat,” aniya.
Sinabi ni Lim na binanggit niya sa nakaraang panayam noong siya at si Duterte ay kapwa pa alkalde, na naniniwala siyang “kung may 20 Mayor Duterte lang sa Filipinas ay siguradong aangat ang bansa at uunlad.”
“Ako ay naniniwalang tunay na sinsero si Pangulong Duterte na linisin ang ating pamahalaan sa mga katiwalian at sa pagnanais na tuldukan na ang ilegal na droga sa bansa kaya sana ay suportahan natin siya. Aminin natin, sa klase ng mga kriminal at tigas ng ulo ng mga tao sa ngayon, kamay na bakal ang kailangan para mapatino ang ating bansa,” diin ni Lim.
Sa aspektong ito, tiniyak ni Lim na kaisa siya ni Duterte at sinabing ang kanyang service record ang magpapatunay nito.