HINAMON ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Magdalo Group o ang pangkat ng mga sundalong kinabibilangan ni Sen. Antonio Trillanes IV, na patalsikin siya sa puwesto kung bilib sila sa senador.
Sa kanyang tete-a-tete kay Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na isinahimpapawid sa government-controlled PTV4, hinikayat niya ang mga sundalong naniniwala kay Trillanes at dating Pangulong Benigno Aquino IV na magpunta sa kanila at ilunsad ang pagpapabagsak sa kanyang administrasyon.
Ito naman ayon sa Pangulo ay kung kombinsido ang mga sundalo na may nagawa para sa kanila sina Trillanes at Aquino gaya nang pagdoble niya sa sahod ng mga militar at pagbibigay sa kanila ng sariling armas.
“Kayo mga sundalo, maniwala kayo kay Trillanes, maibigay niya lahat ang kailangan ninyo, may nagawa siya para sa inyo, go to Trillanes. I am encouraging you to stage a rebellion against me,” anang Pangulo.
“Ikaw Trillanes, nagkalat ka, nakulong ka, minumura mo lahat gobyerno, ano ginawa mo maski konti para sa sundalo. Sa Marawi, did I ever see you there. Ako binigyan ko lahat firearms, kasi may sparrow. I doubled your salary. ‘Pag tingin ninyo mas mabuti si Trillanes maging si Aquino go to them, stage whatever… I am challenging Magdalo start now. Ipakita natin sa Filipino ang hamon ninyo,” dagdag niya.
ni ROSE NOVENARIO