NASABAT ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 35 kilo ng marijuana, tinatayang P4.5 milyon ang halaga, sa anim arestadong mga suspek sa ikinasang pagsalakay sa Brgy. Immaculate Conception, Cubao, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na sina Grenie Hierro, 34; Anthony John Timpug, 39; Lassery Ann Rayo, 30; Randbel Clifford Venzon, 20; Archie Visperas Ferreras, 20, at isang 16-anyos menor na edad.
Ayon sa imbestigas-yon ng pulisya, dakong 8:00 pm nang isagawa ang mga operatiba ng Anti-Illegal Drugs ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa 25, Room 713, Mary Grace Haven Apartment, Denver St., Brgy. Immaculate Conception, sa Cubao.
Ang anim na suspek ay iniharap sa mga mamamahayag nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar at QCPD Director, C/Supt. Joselito Esquivel.
Ayon kay Eleazar, nalaman ng mga awtoridad ang tungkol sa operasyon ng mga suspek makaraan makatanggap ng report ang QCPD Station 7 mula sa isang concerned citizen, sa pamamagitan ng kanilang hotline.
“The mode of transaction of this group is kukuha sila sa Kalinga, Apayao nitong mga ito na nakalagay sa sako at they were transporting these inside the van. At pagdating dito [sa Metro Manila], ibinebenta nila by kilo,” ani Eleazar.
“Ito ngayong mga courier, bumibili. Sila ngayon ang nagdi-distribute sa kanilang mga tinawag nating street peddlers,” aniya.
Nasabat mula sa mga suspek ang 27 piraso ng malalaking rolyo ng dahon ng marijuana, 7 piraso ng bricks ng dahon ng marijuana, isang digital weighing scale, dalawang plastic bag na naglalaman ng dahon ng marijuana, at mga drug paraphernalia.
Umaabot sa 35 kilo ang kompiskadong marijuana tinatayang P4.5 milyon ang street value.
Samantala, aminado ang pangunahing suspek na si Hierro na nagtutulak siya ng marijuana ngunit iginiit na hindi sa kanya ang mga nabanggit na kontrabado kundi ipinabebenta umano sa kanya.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)