JERUSALEM – Pagsalakay sa mga bodega ng bigas ng pinaniniwalaang rice hoarders ang nakikitang solusyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matuldukan ang kapos na supply ng bigas sa bansa.
Sa mini-cabinet meeting na ginanap sa eroplano habang patungo sa Israel si Pangulong Duterte at kanyang opisyal na delegasyon, inutusan niya si DILG Secretary Eduardo Año na pangunahan ang pagsalakay sa mga warehouse ng bigas na pinaniniwalaang nagtatago ng santambak na bigas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nais ng Pangulo na ma-sampolan ang rice hoarders upang matigil na ang walang habas na pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan na idinadaing ng masa.
Ani Roque, ginagamit na isyu ng mga kritiko ng administrasyon ang isyu ng presyo at kapos na supply ng bigas laban sa Pangulo.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ay nagbabala ang Pangulo sa mga rice cartel at kumakanlong sa kanila na itigil ang pagpapahirap sa bayan.
Nauna rito, sa isang national security meeting sa Palasyo ay tinawagan at minura ni Pangulong Duterte ang umano’y kasali sa rice cartel leader at matapos ang 72 oras, ayon kay Roque ay inilabas ang mga bigas na inimbak sa bodega.
Sa kasalukuyan, ang pinakamurang commercial rice ay P42 kada kilo habang ang NFA rice ay P27 ngunit madalang ang supply.
ni ROSE NOVENARIO