BINAWIAN ng buhay ang isang barangay secretary sa Maynila makaraan siyang pagbabarilin ng isang lalaking nakamotorsiklo sa tapat mismo ng mataong barangay hall na maraming bata ang naglalaro.
Ang sekretaryang biktima na kinilalang si Julio Turla ng Brgy. 314, sinasabing galit sa mga nagdo-droga, ay nakaupo sa kanto ng Teodora Alonzo at Lope de Vega streets, nitong Miyerkoles pasado 2:00 pm, nang mangyari ang pamamaril.
Ayon kay Azucena Aure, kagawad ng Brgy. 330 Zone 33, matagal na niyang kilala si Turla na dati rin kagawad.
“Hindi talaga gumagamit, galit nga ‘yan sa mga nagda-drugs… two years ko ‘yang kapitbahay,” sabi ni Aure.
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagpaslang sa biktima.