READ: Bimby, mas kamukha ni dating Sen. Ninoy
NASISIYAHAN kami sa mga pelikulang napapanood namin ngayon dahil karamihan sa mga bida ay senior citizen na. Ibig sabihin ay nabibigyan sila ng tsansang maging bida pa rin.
Katulad ng nanalong Best Film sa nakaraang 14th Cinemalaya Film Festival na Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon sa pangunguna nina Dante Rivero, Menggie Cobarrubias, at Perla Bautista. Kadalasan kasi ay pawang supporting roles na lang ang nakukuha nila sa mga panahong ito.
Si Eddie Garcia na maski support role sa ML (Martial Law) sa baguhang aktor na si Tony Labrusca na Cinemalaya entry din ay siya pa rin ang nagmarka at nanalong Best Actor. Support din ang papel ng beteranong aktor sa FPJ’s Ang Probinsyano na on and off ang karakter niya bilang si Don Emilio Syquia.
Sa pelikulang Miss Granny ay sobra kaming natutuwa kay Ms Nova Villa dahil halos pantay ang exposure nila ni Sarah Geronimo at siya pa ang last frame, huh?
Parati kasing supporting role ang ibinibigay kay Ms Nova mapa-serye o pelikula man at kadalasan ay siya ang comic relief dahil nga komedyana naman talaga siya kaya hindi sila nagkakalayo ni Sarah ng personalidad sa totoong buhay.
Kadalasan kasi kapag matanda na ang bida ay hindi na ito pinanonood lalo na ng millennials pero nakatitiyak kami na panonoorin ng mga kabataan ang Miss Granny dahil kina Sarah, Xian Lim, at James Reid na sangkaterba ang supporters.
At dahil kuwentong pang lola at pamilya ay nakatitiyak kaming papanoorin din ito ng senior citizens lalo na kung gusto nilang maalala ang kabataan nila, pasok ito sa kuwento ng buhay nila.
Hindi namin napanood ang blockbuster Korean film na Miss Granny na ipinalabas noong 2014 na halos lahat ng nakapanood ay sobrang ganda ng pelikula kaya nga ito ang napili ng Viva Films na gawan ng Pinoy adaptation na idinirehe naman ni Binibining Joyce Bernal.
Sa mga nakapanood ng dalawang bersiyon ng Miss Granny, nahigitan ni direk Joyce ang Korean version kaya panay ang bati sa kanya.
Oo naman, maski hindi namin napanood ang Korean version, naniniwala kaming mas maganda ang pagkakagawa ni direk Joyce na noon pa ay isa siya sa paborito namin simula pa ng karera niya. You nailed it direk!
Hindi namin ikukuwento ang Miss Granny dahil mas magandang panoorin ito sa sinehan dahil tiyak na hindi mawawala ang mga ngiti ng bawat manonood at magiging emosyonal naman pagdating na sa drama, hahalakhak naman sa mga nakatatawang eksena at higit sa lahat, mai-in love kayo sa pelikula na parang gusto ninyong bumalik sa nakaraan.
May sitsit kaming narinig na kabado ang mga taga-Viva sa makakatapat na foreign film ng Miss Granny pero para sa amin, HINDI at kayang lumaban nina Sarah, Xian, James, at Ms Nova dahil ang ganda ng pelikula nila.
Bukod sa mga nabanggit ay kasama rin sina Buboy Garovillo, Marissa Delgado, Kim Molina, Danita Paner, Ataska Mercado, Lotlot de Leon, at Nonie Buencamino.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan