READ: Kamara binusisi ang pagdagsa ng “GIs” sa bansa
BUKOD sa nakalulunos at nakatatakot na karanasan ng mga kababayan nating sinalanta ng baha, may isa pang pagkakapareho sa pananalanta ng bagyong Ondoy ang karanasan natin nitong Sabado at Linggo — parehong weekend ito nangyari.
Ang Ondoy noong 24-26 Setyembre 2009, ang buntot ng bagyong Karding na sinabayan ng habagat ay nitong nakaraang weekend 11-12 Agosto 2018.
Noong panahon ng Ondoy, kahit lumubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila, Rizal, Cavite at Central Luzon hindi natin natatandaan na naputol o nawalan ng tubig ang Maynilad.
Tuloy-tuloy lang ang serbisyo ng tubig.
Pero itong nakaraang habagat, maraming naprehuwisyo nang wala man lang abiso ang Maynilad na magpuputol sila ng tubig.
Noong marami nang nagalit dahil wala man lang silang ibinigay na alternatibong serbisyo sa mga nawalan ng tubig, saka lamang naglabas ng pahayag ang Maynilad
Lumabo raw ang tubig sa Ipo Dam at mas maraming ‘sediment concentration’ ang nakalulusot kaya ipinasya nilang bawasan ang produksiyon ng kanilang La Mesa Treatment Plants.
Kapag binawasan daw kasi ang produksiyon ay magagawang alisin ang dumaming sediments mula sa raw water habang isinasagawa ang “treatment” bago magpalabas ng potable water patungo sa distribution system. Kaya nakararanas ng mababang pressure hanggang mawalan ng supply ng tubig.
‘Yan ang paliwanag ng Maynilad.
Pero ‘yang paliwanag na ‘yan ay inilabas nila nang magalit na ang mga tao.
Kabilang riyan ang mga nasa apektadong areas ng ilang barangay sa Bulacan, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Manila, Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa at Cavite.
Sa Maynilad po ‘yan…
Pero ang labis nating ipinagtataka, kapag natatapat na weekend dumarating ang bagyo o habagat, matinding aberya ang inaabot ng sambayanan.
Bakit?
Wala bang ‘diyos’ kapag weekend lalo na kapag matindi ang pag-ulan?
Sa madaling sabi, lahat ba ng bossing ng mga ahensiyang dapat mangalaga sa mga mamamayan tuwing may kalamidad ay may week-end get-away at hindi man lang nag-iiwan ng skeletal force?!
Sonabagan!
Nasa serbisyo publiko po kayo wala po sa mga pribadong kompanya.
Sana’y tiyakin ng NDRRMC lalo na kapag ganitong panahon ng tag-ulan at tag-bagyo na ang mga bossing ng mga ahensiyang nakapaloob sa kanila ay naririyan at wala sa ibang bansa o saanmang lamyerdahan.
Puwede ba ‘yun mga kagalang-galang na opisyal ng NDRRMC?!
Risk reduction nga ang trabaho ninyo ‘di ba?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap