MAGANDANG balita para sa mga basketball fans, dahil puwede nang maglaro si Jordan Clarkson para sa pambansang koponan sa pagbubukas ng 18th Asian Games.
Matapos ihayag ni Team Pilipinas chef de mission Richard Gomez na pumayag ang National Basketball Association (NBA) na makapaglaro si Clarkson para sa Pilipinas sa unang pagkakataon sa kada apat na taong multi-sports na torneo na magbubukas simula Agosto 18 at magtatapos sa Setyembre 2.
“NBA gave the nod allowing JC (Jordan Clarkson) to play at the AG (Asian Games),” pahayag ni Goma.
“We will have to plead to INASGOC (Indonesia Asian Games 2018 Organizing Committee) and OCA (Olympic Council of Asia) for his re-entry to play. JC will take the earliest flight available to Jakarta to make it to our game against Kazakhstan. Thanks,” dagdag pa nito.
Una nang napilitan ang delegasyon ng Pilipinas sa isinagawang delegation registration meeting (DRM) na alisin si Clarkson sa pinal na 12 kataong lineup ng basketball team matapos na sabihan ng NBA na hindi ito maaaring makapaglaro.
Pinalitan ni Don Trollano ng TNT si Clarkson subalit asam ni Gomez na pumayag muli ang OCA at INASGOC na palaruin ang Fil-American na point guard ng Cleveland Cavaliers.
(ARABELA PRINCESS DAWA)