HINDI sasantohin ng Palasyo ang mga katiwalian sa pamahalaan, lalo na ang napaulat na P108.73-M ghost barangays anomaly sa Maynila.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año, iimbestigahan niya ang Commission on Audit (COA) report na may 27 ghost barangays sa Maynila na binigyan ng P108.733-M mula sa real property tax (RPT) shares.
“Magka-conduct tayo ng investigation diyan sa mga report na ‘yan. Alam n’yo naman ang ating emphasis sa administrasyong ito, corruption. So wala tayong sasantohin dito. We just need the information, the data, and we will launch an investigation,” sabi ni Año. Ipinagmalaki ni Año na may 250 lokal na opisyal ang sinisiyasat ng inilunsad na Bantay Kaagapay ng DILG base pa lamang sa mga reklamong idinulog sa 8888 at mga report mula sa “field.”
“For your information, we launch the Bantay Kaagapay or Bantay Kurapsyon and we have about 250 local chief executives that are being investigated now just based from the complaints sa 8888 at sa mga information na nakukuha namin from the field. Dito wala tayong sasantohin dito,” giit ni Año.
Tiniyak ni Año na tutulungan ng DILG si Pangulong Rodrigo Duterte na walisin ang korupsiyon at illegal drugs.
“Sabi nga ng Presidente, isa lang ang gusto niyang ma-achieve sa administration na ito, mawala ‘yung corruption at saka ‘yung drugs. So gagawin natin ‘yan,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)