SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines-Health Services Command dahil sa talamak na korupsiyon sa V. Luna Medical Center.
Iniutos ni Pangulong Duterte na tanggalin sa puwesto at agad isailalim sa court martial sina Brig. Gen. Edwin Leo Torrelavega, pinuno ng AFP-HSC, at Col. Antonio Punzalan, commander ng V. Luna Medical Center.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang mga hepe ng health service command management at fiscal office at ang logistics office ay sinibak din bunsod ng maanomalyang pagbili ng mga equipment.
Ayon kay Roque, galit na galit si Pangulong Duterte sa sabwatan ng mga opisyal sa aniya’y institutionalized corruption sa naturang military hospital.
“Apparently, it’s a conspiracy…it was institutional corruption in V. Luna,” ani Roque.
Aabot aniya sa 20 opisyal ng pagamutan ang tinanggal ng Pangulo na nabistong nagkontsabahan sa “ghost purchasing, splitting of contracts to circumvent mandatory bidding processes, and conceiving fictitious suppliers,” na daan-daang milyong piso ang halaga.
Paliwanag ni Roque, matagal na panahon nang umiiral ang katiwalian sa pagamutan bago pa naupo sa Palasyo si Duterte.
ni ROSE NOVENARIO