READ: Direk Jason, inspirasyon ang pagtulong sa indie bands
READ: Perla, Menggie at Dante, ‘‘di nagpahuli’ sa Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon
READ: Pagbabago sa rules ng PPP, inasahan na ni Arguelles
MAGANDA ang hangarin ni Bulacan Vice Governor Daniel Fernando na maging drug free ang Bulacan gayundin ang showbiz.
Sa paglulunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa programang Bola Kontra Droga sa Bulacan State University sa Malolos, iginiit ni Vice Gov. Fernando ito ang ambag nila sa hangarin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumuo ng isang bansang malaya sa droga o drug free.
Kaagapay ni Fernando si Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado sa proyektong ito gayundin ang ilang celebrity tulad nina Joross Gamboa, Matt Evans, Mark Herras, Marco Alcaraz, Joseph Bitangcol, Onyok at iba pa.
Ani Fernando, ”Ito po ay isang basketball shoot out with the celebrity bilang bahagi ng ating anti-drug campaign dito sa lalawigan ng Bulacan.
“Basketball ang napili namin dahil ito ang malapit sa puso ng ating mga kabataan.
“Hinihikayat natin ang buong Bulacan na maglaro ng basketball at iba pang sports at huwag magpadala sa tukso ng ipinagbabawal na gamot.”
Sinabi pa ni Fernando na maraming magandang epekto ang dulot ng paglalaro ng basketball maging ng iba pang klase ng isports.
Isinama ni Fernando ang mga kapwa niya artista sa proyektong ito dahil ”Sila ang maimpluwensiya ngayon sa ating mga mamamayan. Nagsisilbing modelo ng ating mga kabataan kaya ipinakikita rin natin na sa ating galit na sugpuin ang droga sa ating lipunan.”
Sinabi naman ni Joross na walang politika sa ginagawa nilang pagtulong sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball. ”Matagal na naming ginagawa ito (paglalaro ng basketball). Ngayon lang kami nagkaroon ng purpose (paglalaro kontra droga).”
Aminado si Fernando na marami ang nasa showbiz na nalululong sa masamang gamot tulad ni CJ Ramos. “Nakakalungkot na mayroon ding mga artista na nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.”
Pangarap ni Fernando na magkaroon ng drug free showbiz at drug free Bulacan. ”Para maging huwaran ang ating mga artista sa ating mga mamamayan lalo na sa ating mga kababayan. Ito ay unang hakbang pa lamang sa ating tuloy-tuloy na kampanya kaya hinihiling natin ang suporta ng bawa isa para maging matagumpay ang ating layunin.
“Bola Kontra Droga para sa isang Drug Free Bulacan, Drug Free Showbiz. Ito ang pangarap namin, ito ang ating pagsusumikapan.”
Magkakaroon ng tour ang grupo sa ilan pang public schools para maglaro ng basketball bilang suporta na rin sa kampanya kontra droga.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio