SWAK sa semifinals ang Chooks To Go Batang Gilas-Pilipinas matapos talbusin ang Bahrain, 67-52 kahapon sa 2018 Fiba Under-18 Asian Championship sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.
Hinawakan ng Batang Gilas ang 20-11 bentahe sa first quarter subalit nabulaga sila sa second matapos silang harurutin ng Bahrain.
Naagaw ng Bahrain ang unahan, 34-26 sa halftime.
Agad bumangon ang Batang Gilas sa third period, humataw ng 22-11 para maibalik ang bandera, 48-45 papasok ng fourth period.
Namuno sa opensa para sa Batang Gilas si Kai Sotto na nagtala ng 21 points at 10 rebounds habang nag-ambag si Ariel Edu ng 16 puntos at 17 rebounds.
Sunod na makakalaban ng Batang Gilas sa semis ay ang mananalo sa pagitan ng Australia at Japan na kasalukuyang naglalaban habang tinitipa ang istoryang ito.
Ang ibang bumakas para sa Team Pilipinas ay si Miguel Oczon na nirehistro ang 10 puntos.
Kumana sa opensa para sa Bahrain sina Rashed Awadh at Baqer Ali na may tig 13 markers.
(ARABELA PRINCESS DAWA)