HINDI biro ang isyu ng federalismo. Ang kailangan ng taong bayan ay matinong information campaign sa kung ano ba talaga ang kahulugan nito at anong kapakinabangan nito sa mamamayan. Dapat din nating malaman kung ano-ano rin ba ang mga isyung kahaharapin ng bansa kung sakaling tuluyan na nga tayong sumailalim sa bagong pormang ito ng pamahalaan o dapat bang manatili tayo sa kasalukuyang presidential form.
Nakasalalay rito ang kinabukasan ng Filipinas. Ito ang magiging saligan ng mamamayan sa usaping pang-ekonomiya at politika ng bansa. Kaya nga isang malaking kabastusan ang ginawang kampanya ni Communication Assistant Secretary Mocha Uson.
Marahil nga ay nakuha niya ang atensiyon ng marami dahil sa kontrobersiyal niyang blog. Pero para maipabatid ang tunay na kahulugan at makapagbahagi ng totooong kaalaman tungkol sa federalismo ay sablay na sablay.
Kung inaakala niya na makukuha niya ang tiwala at suporta para isulong ang federalismo sa ginawa niyang pambababoy ay nagkakamali siya. Lalo lamang niyang inilayo ang mamamayan sa layunin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na maipaalam sa bawat isa ang kahalagahan ng federalismo.
Sabagay, hindi nag-iisa si Mocha sa Gabinete ni Pangulong Duterte na nagkakalat. Marami silang gaya niya, at tiyak na magpapatuloy ang kanilang mga kabobohan.