NAGLAAN si Pangulong Rodrigo Duterte ng P25-M para sa relief operations sa mga lumikas dahil sa pagsabog ng bulkang Mayon.
Sa kanyang pagbisita kahapon sa Albay, ipinangako ni Duterte na magbibigay pa ng dagdag na P50 milyon para sa Mayon evacuees.
Itinalaga ni Pangulong Duterte si Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino bilang special emissary niya sa nasabing lalawigan.
“Hindi naman ako makabalik, marami ako trabaho. My special emissary, assistant si Atty. Tolentino. Si Francis, he used to be the mayor of Tagaytay City. Siya na lang ang pabalik-balikin ko. Francis, ikaw na mag-coordinate sa lahat. I want it done by the weeks end. So Saturday, tapos na ‘yan. It is delivered na. Ako I count by the hours and I’m not fan of committee committee, isang tao lang, ikaw ‘yan,” anang Pangulo.
Nais ng Punong Ehekutibo na tutukan ang kalusugan ng evacuees, sanitation, bukod sa pagkain.
Inatasan niya si Tolentino na magdala ng maraming portable toilet para magamit ng evacuees.
(ROSE NOVENARIO)