SUSPENDIDO ng 90-araw at kinasuhan ng Palasyo si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, ang sinasabing ‘mole’ ni Sen. Antonio Trillanes IV sa akusasyong may ill-gotten wealth ang pamilya Duterte.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, pormal nang sinampahan ng Office of the Executive Secretary si Carandang ng mga kasong grave misconduct at grave dishonesty dahil sa ‘di-awtorisadong paglalabas ng umano’y bank transactions ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya.
Ang mga dokumento galing kay Carandang na aniya’y mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), ang ginamit ni Trillanes sa paghahain ng reklamo kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth ng Pangulo.
“We have categorically stated before that the AMLC is not the source of the documents and information attached by Senator Antonio F. Trillanes IV in his complaint regarding the alleged bank accounts of President Rodrigo Duterte. It has neither provided of the Office of the Ombudsman with any report as a consequence of any investigation of subject accounts for any purpose,” ani Roque.
Ang hakbang ng OES ay makaraan imbestigahan ang reklamong inihain nina attorneys Manolito Luna at Elijo Mallari sa Office of the President laban kay Carandang.
Nanindigan si Roque na nasa kapangyarihan ng Pangulo ang pagkastigo kay Carandang.
Ipinauubaya ni Roque sa Pangulo ang pagpapasya kung sasampahan ng kaso si Trillanes sa paggamit ng maling dokumento laban sa pamilya Duterte.
“That’s up to the President. But you see the President, you know, does not pay too much attention to kuwentong kutsero and tsismis,” ani Roque.
Nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte na ilegal ang pangangalap ng ebidensiya ni Carandang laban sa kanya at idinaan lang sa ‘pindot.’
Ang paglalabas aniya ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang ng umano’y bank account niya na galing sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC), ay ilegal, pinindot lang at lahat ng lumabas na numero ay ‘pinlus’ upang umabot sa bilyon-bilyong piso.
(ROSE NOVENARIO)