NAKASAMA kami sa tsikahan ng ilang entertainment editors kay Direk Dan Villegas pagkatapos ng presscon ng Changing Partners na pinagbibidahan nina Agot Isidro, Anna Luna, Sandino Martin, Jojit Lorenzo kahapon para kunan ng reaksiyon sa ipinost ng girlfriend niyang direktor na si Antoinette Jadaone.
Naglabas kasi ng hinaing si direk Tonette sa kanyang blog sa pagkaka-pack-up ng shooting ng pelikula nina James Reid at Nadine Lustre, ang Never Not Love You.
Base sa blog ni direk Tonette, ”Filming for #foolishmovie is becoming erratic. Sayang, andun na ang momentum eh. More and more shooting days cancelled – some reasons more heartbreaking than others, so heartbreaking they make me cry. Or maybe I am just being overly dramatic, or that’s just really how I value pelikula.”
Na sinagot naman ni Nadine sa pamamagitan ng IG account niya ng litrato ng X-ray film na resulta ng back pain simula pa noong Biyernes (Enero 12) bukod sa diarrhea at fever.
Ayon kay direk Dan, ”Siyempre ako direktor din, kumbaga nawalan na ng buwelo for whatever reason. Kasi kami ni Tonette ano, may diesel factor in doing a film. Sa totoo lang in first few days mo, kapaan kayo with the staff and actors, tapos darating ‘yung point na magkatinginan na lang kayo ng staff mo na alam mo na, ‘okay ito, ito ang kailangan nating gawin. Doon lumalabas ‘yung kuwento, roon lumalabas ‘yung brilliance ng director, actors, DOP (director of photography), lahat. Nawawala tapos ang hirap hanapin ‘yung sweet spots.”
Baka naman kasi napuno na si direk Tonette kaya naglabas siya ng sama ng loob sa social media, ”well kasi si Tonette naman very emotional person siya, ‘yun ang napi-feel niya noong time na ‘yun, so ipinost niya, nawala ‘yung buwelo. Maybe some people over thinking it a little bit too much.”
Hindi lang isang beses na pack-up ang shooting dahil nagka-problema rin sa location at schedules ng mga artista.
Sa tsikang nalasing din kasi si James kaya dahilan ding hindi natuloy ang shooting, ”ay hindi ko alam ‘yun. ‘Yung pagkakasakit lang ang alam ko,” saad ng very cool director ng Changing Partners.
Hindi rin sa Pebrero 14 ang playdate ng pelikula ng JaDine, ”hindi kami aabot maski na hindi na-pack up. Ang gusto ko kasi sa project na ito ay open ang playdate, tapos mandate mismo ni boss Vic (del Rosario) na you have time para mapaganda ang pelikula kasi ‘yung tono ng pelikula hindi naki-cater ng rom-com.
“Kaya naiintindihan ko si Tonette kung saan nanggagaling ang frustrations niya. Ito kasi simple lang ang plot kumbaga ito lang ‘yung chance niya (Tonette) makapaglaro,” kuwento pa ng direktor.
Speaking of Changing Partners na nagkamit ng maraming awards sa nakaraang 2017 Cinema One Originals Film Festivaltulad ng Best Director, Best Actress, Best Actor, Best editing, Best Music, Champion Bughaw Award for Best film, at nakakuha rin ng Audience Award at higit sa lahat malakas pa sa box-office ay umaasa si direk Dan na papanoorin ito ng mga hindi pa nakapanood sa Enero 31 handog ng Starcinema.