INILUWAL ng photobomber na Torre de Manila ang nagwaging salita ng taon sa ikalawang araw ng Pambansang Kumperensiya sa Wikang Filipino na ginanap sa Diliman campus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), kahapon.
Ang fotobam ay lahok ng historian na si Michael Charleston Chua.
Itinuturing ng mga eksperto na ang fotobam ay pandiwa na ang ibig sabihin ay sirain ang eksena sa pamamagitan ng pagsingit sa kuwadro ng kamera habang may kinukunan ng retrato.
Sa panayam kay Chua, isang historian at nagnomina ng salita, itinuturo niyang susi sa pagkapanalo nito ang historical issue na nakakabit sa salitang dinepensahan niya.
Nag-ugat ang proposal niya sa suliranin sa Torre de Manila, na kalaunan ay binansagang “pambansang photobomber,” matapos ireklamong nakasisira sa isa sa pinakamakasaysayang lugar sa bansa na madalas na dinarayo ng mga turista.
Kabilang sa mga salitang napili, ang “hugot” ni Junilo Espiritu na nagkamit ng ikalawang gantimpala at “milenyal” ni Jayson Petras na nakatanggap ng ikatlong gantimpala.
Ang “bully,” “meme,” “lumad,” “foundling,” “netizen,” “tukod,” at “viral” ay ilan sa mga salitang nominado.
Umaasa si Chua na ang pagkilala sa “fotobam” bilang Salita ng Taon ay maging paalala sa mga Filipino na hindi pa patay ang issue.
“Medyo matamlay na ‘yong issue, hindi na napag-uusapan. Pero sa katotohanan, patuloy ang hearing na ito at hihintayin natin ang magiging desisyon ng korte” ani Chua.
Kabilang sa mga hurado na pumili sa salita ng taon ang board of members ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at ang Pambansang Alagad ng Sining, Virgilio S. Almario, na pawang mga dalubhasa sa lingguwistika.
Nakatakdang isagawa ang susunod na Sawikaan sa taon 2018, sa pangunguna pa rin ng FIT.
nina Joana Cruz at Kimbee Yabut