ANIM katao ang patay makaraan tupukin ng apoy ang isang bahay sa Marikina City nitong Biyernes ng madaling-araw.
Itinaas ng mga bombero ang unang alarma dakong 2:30 am makaraan iulat na nasusunog ang bahay na inuupahan ng Gatchalian-San Juan at Alvarado families sa Brgy. San Roque.
Bagama’t mabilis naapula ng mga bombero ang apoy makaraan ang walong minuto sa kanilang pagdating, anim miyembro ng pamilya ang hindi agad nakalabas ng bahay.
Kinilala ang mga biktimang si Gabriela Gatchalian, 81; ang kanyang mga anak na sina Justine at Bryan San Juan; mister ni Justine na si Allan Alvarado; at kanilang mga anak na sina Samantha, 1, at Savanna Alvarado, 4-anyos.
Idineklara ng mga bombero na fire-out ang sunog dakong 3:09 am.
Ayon kay Supt. Crispo Diaz, assistant regional director for operation ng Bureau of Fire Protection, ang nag-short circuit na electric fan ang hinihinalang sanhi ng sunog.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil maraming combustible materials sa loob ng bahay.
Ang mga residente ay na-suffocate kaya hindi na nagawang makalabas ng bahay.
Ang katawan ni Savanna na natagpuan sa hagdanan, ang pinakanatupok sa apoy. Ayon sa mga awtoridad, posibleng nagising ang bata nang sumiklab ang sunog.
Ang nakatatandang Gatchalian na natagpuan sa unang palapag, ay natupok din ang katawan.
Ang katawan nina Justine at Allan ay natagpuan sa banyo sa second floor, habang ang bangkay nina Bryan at Samantha ay natagpuan din sa nasabing palapag.
Tinatayang umabot sa P50,000 ang halaga ng natupok na structural materials, hindi pa kabilang ang presyo ng mga kagamitan ng pamilya.
( ED MORENO )