PAWANG kasinungalingan ang mga testimonya ni Edgar Matobato sa pagdinig sa Senado kahapon.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre makaraan idetalye ni Matobato ang kanyang mga nalalaman kaugnay sa naganap na mga pagpatay na iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa ilalim ng Davao Death Squad.
Paliwanag ni Aguirre, dati nang nasa Witness Protection Program ng DoJ si Matobato simula noong 2013 ngunit kaduda-duda ang mga sinasabi at wala siyang “statement o affidavit” sa Kagawaran.
Ayon kay Aguirre, imposibleng walang testimonya si Matobato sa kagawaran dahil hindi maaaring maipasok sa WPPD ang isang testigo kung walang affidavit.
Kinuwestiyon ng kalihim kung bakit walang mailabas na affidavit ni Matobato sa Senado.
Gayonman, aminado si Aguirre na kung talagang kinakailangan ay maaaring tanggapin muli sa WPP si Matobato.
Naniniwala si Aguirre, “scripted” ang mga testimonya ni Matobato at sinabing isa lamang siyang “coached witness” sa Senado.
Dagdag ni Aguirre, posibleng ang pagpapalutang kay Matobato ay desperadong hakbang ni De Lima para sila ay maghinay-hinay sa kanilang plano na magprisenta ng mga testigo sa gagawing pagdinig sa Kamara tungkol sa sinasabing pagkakasangkot ng dating kalihim sa drug trade.
( LEONARD BASILIO )