INIREREKLAMO ng grupo ng mga negosyante ang apat na konsehal ng Maynila at dalawa pang dating konsehal na umiikot sa mga establisimiyento at humihingi ng ‘linggohan’ kapalit ng proteksiyon at kalayaan na makapagnegosyo sa Lungsod.
Ipinagmamalaki umano ng mga konsehal na mayroon silang malakas na koneksiyon sa city hall officials at binabantaan ang mga negosyante na hindi magbibigay sa kanila ng buwanang ‘lagay’ na gagamitin ang kanilang kapangyarihan para maipasara ang mga tututol na negosyante.
Nabatid rin sa mga negosyante na binisita na umano ng mga “Tongsehal” ang ilang establisimiyento sa Ermita-Malate at Binondo partikular ang bars, nightclubs, massage parlors, KTVs at iba pang nagsisilbi ng alak na kumakain kasama ang kanilang mga kaibigan, at umiinom pero hindi nagbabayad.
Humihingi umano ng P30,000 hanggang P60,000 buwanang payola ang mga Tongsehal para sa ipagkakaloob nilang proteksiyon.
Umapela ang ang mga negosyante sa lokal na pamahalaan na aksiyonan ang ginagawa ng mga Tongsehal para mapangalagaan ang kanilang kapakanan partikular ngayon na hindi malakas ang negosyo.
( LEONARD BASILIO )