NOONG Lunes, sinabi ni PRESDU30 sa Malacañang na ang special forces ng Estados Unidos na nasa Mindanao ay dapat lumisan na.
Ito ay sinabi niya sa kaniyang talumpati sa harapan ng kaniyang bagong appointees. Kasunod nito matapos niyang ipakita ang mga larawan ng mga tropang Amerikano laban sa mga Moro noong 1906 na tinawag na “Bud Dajo Massacre.”
Nangangamba ang Pangulo, na mag-iinit ang mga Abu Sayyaf ‘pag makakita ng mga Amerikano.
Aniya, puwedeng mahingian ng ransom at patayin kahit magbigay pa ng ransom. Dagdag niya, puti man o itim basta Amerikano ay maaaring maging mainit sa mga Abu Sayyaf.
UTAK NG PAGPAPASABOG
SA DAVAO IDENTIFIED NA
Ayon kay PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, may ideya na sila kung sino ang utak sa pagbomba sa Davao City na ikinamatay ng 14 katao. Sa ngayon, hindi pa nila sasabihin sa publiko kung sino. Sapagkat under investigation at ipinoproseso pa ang kaso laban sa mga suspect.
Naniniwala si Dela Rosa na ang pagbomba ay may kaugnayan sa narco terrorism, ngunit hindi pa siya nagbibigay ng mga detalye.
Sinabi rin niya na ang suspect ay nagtatago sa Central Mindanao sa isang napakaprotektadong area. Hanggad nila na maaresto na ang bomber, para tumibay ang kaso at mailabas ang katotohanan sa likod ng naganap na pangbobomba.
MAY-ARI NG GASOLINE
STATION NAKIDNAP
Isang ginang na nagngangalang Clarita Beliserio, 50 years old, may-ari ng isang Caltex gas station sa Linamon, Lanao del Norte ay nakidnap noong umaga ng Lunes.
Ayon kay PO3 James Licdao, isang grupo ng walong armadong kalalakihan na nakasakay sa isang puting Montero ang dumakip kay Beliserio, sa harapan mismo ng bahay nito.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng kidnapping at kung sinong grupo ang nasa likod nito.
KKKT SA TAGAYTAY CITY
Ang KKKT o Kababaihan, Kabalikat sa Kaunlaran ng Tagaytay City, ay isang grupo para sa kababaihan na tinaguyod ni Mayora Agnes Tolentino, chairperson ng organisasyon.
Ang samahan na ito ay binuo ng Mayora para sa kababaihan, edad 17-70 yrs old, mayaman man o mahirap.
Layunin ng KKKT na mabigyan ng proteksiyon ang mga kababaihan, katulad ng mga babaeng nabubugbog o inaabuso ng kanilang mga asawa.
Maraming proyektong pangkabuhayan ang KKKT. Meron din mga proyekto na tumutulong sa pangangailangan ng mga kababaihan.
Kaya sa hindi pa miyembro ng KKKT. Sali na kayo!
MGA KUWENTO ni Mrs. Ox – Marnie Stephanie Sinfuego