NILALAPATAN ng lunas sa Ospital ng Sampaloc ang isang massage therapist makaraan manganib ang buhay nang ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Analiza Narce, 22, residente sa Loreto St., Sampaloc.
Sinasabing nagawang ipalaglag ni Narce ang sanggol nang puwersahin ng kanyang kasintahang si Rommel Abinal, 39, ahente ng Land Transportation Franchising abd Regulatory Board (LTFRB), at residente sa Tangerine St., Marikina City, nakilala lamang niya sa Facebook.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 3:00 pm nitong Setyembre 9 nang maganap ang aborsiyon sa isang bahay sa Craig St., sa Sampaloc, ngunit natuklasan ito kamakalawa nang kinailangang isugod sa pagamutan si Narce.
Napag-alaman, umalis ng bahay si Narce, 32 linggong buntis, dakong 12:00 pm noong Setyembre 9 upang magpa-ultrasound.
Kasunod nito, umuwi siya makalipas ang dalawang araw na nagrereklamong masama ang pakiramdam at nakiusap sa kanyang landlady na si Genalyn Machon na isugod siya sa Ospital ng Sampaloc.
Bunsod nito, natuklasan ng mga doctor, kaya nilalagnat si Narce ay dahil sa komplikasyon sa pagpapalaglag sa kanyang anak.
Inaalam ng mga imbestigador ang pagkakilanlan ng babaeng aborsiyonista na naglaglag ng sanggol ni Narce, sa halagang P10,000, sinasabing inirekomenda lamang ng isa niyang kaibigan.
Ang naturang babae ay kinatagpo lamang ni Narce sa Quiapo Church, bago siya dinala sa Craig St., at doon naganap ang aborsiyon.
Inihahanda na ang mga awtoridad ang kasong isasampa kay Narce at sa kanyang nobyong si Abinal kaugnay sa aborsiyon.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat ni Julyn Formaran )