Friday , November 15 2024

Walang banta ng terorismo sa Metro — NCRPO

090816-ncrpo-albayalde-mpd-coronel
MAGKATUWANG na nakipagtalakayan sa nangungunang weekly news forum, Kapihan sa Manila Bay, Café Adriatico, Malate, Manila sina NCRPO chief, Gen. Oscar Albayalde at Manila Police District (MPD) director, S/Supt. Joel Coronel kaugnay sa seguridad ng Metro Manila at pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga. (BONG SON)

WALANG banta ng terorismo sa Kalakhang Maynila, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Oscar Albayalde sa Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico sa Malate, Maynila.

Iwinaksi niya ang mga balitang may banta mula sa sinasabing apat na babaeng  Muslim  na may planong maghasik ng karahasan bilang bahagi ng pananakot ng bandidong Abu Sayyaf (ASG) na nais umanong maghiganti sa pagtugis sa kanila ng mga puwersa ng pamahalaan at gayondin sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na uubusin sila.

Kasunod ito ng mga agam-agam ng mamamayan ukol sa posibleng pagsalakay muli ng ASG, makaraan ang pagsabog ng improvised explosive devise mula sa 8-mm. mortar shell sa Davao City nitong nakaraang Setyembre 2 na ikinamatay ng 14 at ikinasugat ng mahigit 60 katao.

“There is no imminent danger. Our intelligence reports show no indication that they will stage any kind of attack or bombing in Metro Manila,” ani Albayalde.

Tiniyak sa publiko ni Manila Police Department (MPD) district director Senior Superintendent Joel Coronel na nakahanda ang buong puwersa ng pulisya ng Maynila para magresponde sa insidente at matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

“We are on full alert and all our policemen have been recalled to report for duty 24/7,” idiniin ni Coronel.

Binigyang-pansin ni Albayalde ang mabilis na recovery ng mamamayan matapos maganap ang karahasan sa Davao City at inilarawang magandang ehemplo para labanan ang banta ng terorismo.

“Hindi tayo dapat mag-panic. Naghahasik sila ng takot kaya dapat ay huwag tayong matakot dahil kapag gayon ang nangyari, parang nagwagi na rin ang mga terorista sa kanilang layunin,” aniya.

“Ang kailangan ay maging mapagmasid tayo at makipagtulungan sa mga awtoridad para matukoy ang anomang banta na makapamiminsala sa ating mga komunidad,” aniya.

ni Tracy Cabrera  ( May kasamang ulat nina Kimbee Yabut at Julyn Formaran )

PULIS-MAYNILA SANGKOT SA EJKs

KINOMPIRMA ni NCRPO commander General Oscar Albayalde na nakahuli sila ng ilang pulis sa Manila Police District (MPD) na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade.

Sa weekly news forum na Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Maynila kahapon, inilantad ni Albayalde na may mga pulis na sangkot sa pagtutulak ng droga at extrajudicial killings.

“They hire gunmen,” ani Albayalde. “Natatakot silang maikanta dahil supplier sila.”

Isa sa mga itinuturo ng komander na dahilan sa mga pagpatay ng mga pulis sa mga tulak ang “problema sa remittance” o ang hindi pagkakasundo ng dalawang panig sa pagbabayad.

Ayon kay Albayalde, patuloy ang imbestigasyon ng NCRPO sa mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa.

( JOANA CRUZ at KIMBERLY YABUT )

EXCLUSIVE SUBDIVISIONS ‘DI LUSOT SA OPLAN TOKHANG

GINAGALUGAD ng NCRPO maging ang mga gated subdivision sa Makati City, kasabay ng pagpapaigting sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Sabi ni NCRPO commander General Oscar Albayalde sa weekly news forum na Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Maynila kahapon, pinapasok ng NCRPO ang mga exclusive subdivision sa Makati tulad ng Forbes Park, at doon ay isinasagawa nila ang Oplan Tokhang.

“Mga suspected pusher ang kinakatok namin at pinapakiusapang sumuko,” paliwanag ni Albayalde.

Dagdag ni Albayalde, positibo ang tugon ng mga residente sa mga village na pinasok nila at halos lahat ay nagbibigay ng suporta sa programa.

Samantala, hindi aniya nila kinakatok ang mga expat kung hindi sila inimbitahan upang magsagawa ng inspeksiyon.

Bukod dito, sinimulan ng NCRPO ang operasyon sa mga call center na pinaghihinalaang ginagamit bilang drug den.

( JOANA CRUZ at KIMBERLY YABUT )

About Joana Cruz Kimbee Yabut

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *