BINATIKOS ni Zamboanga City 1st District representative Celso Lobregat and Philippine National Police (PNP) sa sistema ng pagtapon ng mga pulis ‘na may record’ sa itinuturing na malalayong assignment bilang ‘parusa’ sa kanila at pag-iwas na sila’y muling masangkot sa mga ilegal o masamang gawi habang tumutupad ng kanilang tungkulin.
Ayon sa mambabatas, hindi maganda sa pananaw ng lipunan na ipatapon ang mga ‘bugok’ na pulis, partikular sa Mindanao at mga lugar na laganap ang mga insidente ng karahasan mula sa mga rebeldeng Muslim o New People’s Army (NPA).
“Hindi maiiwasang lumitaw na dumping ground ang Mindanao dahil imbes parusahan ang mga tiwaling pulis ay idinidestino sa malayong lugar na para bang iniiwas lang na mapagmatiyagan o mabantayan ng publiko mula sa kanilang ginagawang mali o ilegal,” ani Lobregat.
Tinugon ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Oscar Albayalde na ang umiiral na systema ng paglipat ng pinaghihinalaang mga pulis na sangkot sa ilegal bilang makatarungang paraan dahil batay nga umano sa batas ay ‘presumed innocent’ sila hangga’t hindi napapatunayang guilty sa kanilang kasalanan.
“Kung ipo-floating natin sila, gumagasta ang pamahalaan para pasuweldohin sila kaya mas pabor para sa kanilang masuspinde sila,” punto ng heneral.
Ikinatuwiran na mas makabubuti na maitalaga sila sa mga lugar tulad ng Mindanao dahil magkakaroon sila ng oportunidad na patunayan nilang hindi sila lumilihis sa kanilang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas.
“We assign them to farflung areas to rpove themselves they are worthy of the public’s trust in upholding our mandate ‘to serve and protect,’” ani Albayalde.
ni Tracy Cabrera