KINOMPIRMA ng Department of Health (DoH) ang panibagong kaso ng Zika virus sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Gerry Bayugo, ang pasyenteng isang babae, nasa 40s ang edad at may-asawa, ay mula sa lalawigan ng Iloilo.
Ang nasabing babae ang pang-anim na kaso ng Zika sa bansa mula noong 2012.
Aniya, nagpositibo sa Zika virus ang pasyente sa isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), sa Alabang, Muntinlupa City.
Sinabi ni Bayugo, posibleng locally-acquired o dito sa Filipinas nakuha ang sakit dahil ayon sa pasyente, wala siyang history ng travel abroad o hindi bumiyahe sa labas ng bansa.
Gayonman, nilinaw ni Bayugo, wala pa rin local transmission ng sakit sa Filipinas.
Hindi aniya naka-confine ang pasyente bagama’t nagpakita ng mild symptoms kagaya sa dengue.
( LEONARD BASILIO )